Sunday, September 20, 2009
Kaguluhan
Friday, September 11, 2009
Ang Mga Tao sa Layb (part 3)
Nilapit ko ang libro sa aking humahabang ilong. Ginalaw ko ang aking leeg, paikot na pakanan, paikot na pakaliwa habang hawak ang libro sa kaliwang kamay, sinilip ang ilalim ng mga mesa sa tabi, baka nagtatago ang may-ari.
Tiningnan ko ang libro. Nakabalot sa isang espesyal na kulay, lila. Natibo ako ng mga maliliit at malalambot na balahibo na tekstura ng balot. Imbis na makasugat ito ay nagbibigay kiliti sa aking mga daliring pilit kumakapit.
Huminga ulit, ngayon ay malalim. Ang kanyang halimuyak...ay parang isang nagtatagong hardin sa likod ng isang mansyon, mabigat ang hangin, maaamoy ang simoy ng mga nagkalat na bulaklak, ang maligamgam na init ng iyak ng umaga, ang pagaspas ng mga tangkay ng puno habang sumasagi ang malambot na hangin, ang mga damong tila kumakalabit sa paa at ang hamog na dahang-dahang kinukulayan ang kapaligiran.
“Sino kaya may-ari nito? At sinong tao ang gagamit ng cover na ganito?”
Binuksan ko ang libro, ang unang pahina...libro ng Anatomiya. May nakasulat na “A.C.” sa ibabang bahagi ng unang pahina, bandang kanan.
Binalik ko ang libro dahil para bang nagdilim at nagkaron ng maitim na ulap sa kisame ng silid-aklatan. Umulan ng malakas. Tinamaan ako ng kidlat.
“May pagsusulit pa ko, ano ba tong ginagawa ko?!”
Ibinalik uli ang itim ng aking mga mata sa sariling kong libro. Ipinatong ang mga braso sa mesa at sumalubong ang mga kilay.
Hindi naglaon, naramdaman kong may nakatingin sa akin, sa may gawing kanan, lumingon ako at nakita ko ang kaklase kong si Yam. Tinungo niya ang kanyang ulo na para bang sumasang-ayon sa pagpapakitang gilas ko sa aking salbaheng amo na libro.
“Baka nakita niya kong inaamoy-amoy ko yung wirdong libro.”
Binigyang-pansin ko uli ang librong tangan ng magulo kong isip. Nang maisip kong humiwalay sa ulirat at palitan ang mga pahina sa aking paningin, nilingon ko uli si Yam. Ang ulo, nakapatong sa braso at ang kanyang braso nakaladlad sa mesa. Nakasalumpak ang kanyang katawan sa lamesa. Sinasamba niya ang Diyosa ng Kaantukan.
Kinuha ko uli ang lilang libro at napansin kong may punit na papel na nakasingit na maaaring magsilbing marka sa isang pahina na di pa natatapos na basahin. Binuklat ko ang libro sa marka ng papel na punit.
Ang punit na papel ay tila may tulang nakasulat, at ang pahinang pinagsingitan ng nasabing papel...
...ilustrasyon ng ari ng babae at lalaki...
Wednesday, September 9, 2009
Ang Mga Tao sa Layb (part 2)
(basahin muna ang part 1)
Inalis ko ang upuan sa pagkakabit nito sa mesa. Pinili ko ang pang-isahang mesa ngunit konektado sa lima pang mesa sa tabi nito. Ang mesa na may tatlong harang para sa gagamit. Isa sa kaliwa, isa sa kanan at isa sa harapan. Ginawa ito para hindi masayang ang oras sa pakikipagtinginan sa taong nasa harapan.
Kinabig ko pa ang upuan. Naglabas ang sahig ng isang iyak na para bang kinahig ng matalas na paa ng upuan ang tiyan nito. Tumingin ako sa paligid. Walang tumingin maliban sa babaing nakaupo sa gitna na nangongolekta ng ID para sa mga taong nananabik na pumapasok sa espesyal na seksyon ng silid-aklatan.
Baka ilusyon lang ang mga ibang tao at sa totoo’y kami lamang dalawa ang tao sa layb.
“Kalokohan.”
Umupo na ako. Nilapag ko ang dalang libro at bag, pati na rin ang pabigat sa aking dibdib, bumuntong-hinga...mabigat pa rin.
Binuksan ko ang papel na nakabalunbon sa isang matigas papel na may plastic na ‘di hamak na mas malaki sa isang normal na kwaderno. Dinampi ko ng marahan ang mga pahina, naramdaman ko ang mga maliliit na aligasgas ng mga letra at salita na masusing nakaimprenta rito. Tiningnan, binasa, sinipat ang mga letra, salita at pangungusap. Nilagay ko ang dalawang hintuturo sa gilid ng aking noo upang sumuot at maitatak ang aking mga binabasa sa aking utak. Pumikit pa ko upang umikot-ikot sa aking ulo ang mga tinatandaan. Sumasabay na rin ang mga labi ko na para bang bumabanggit ng orasyon o kulam para sa isang kaaway.
Nang bigla kong maisipan na gumawi ng tingin sa katabi kong mesa sa kaliwa. May nakita akong libro na para bang naiwan o iniwan ng may-ari .
Kinuha ko ang libro...may mahiwagang halimuyak na biglang nahinga ko. Ako ay napangiti...babae ang may-ari ng librong ito.
Tuesday, September 8, 2009
Ang Mga Tao sa Layb (part 1)
Pumunta ako sa silid-aklatan, isang lungga ng mga maiingay na utak sa gitna ng nakakabinging kapayapaan. Maraming bubwit na nakaupo. Marami ang nagsisipatan. Marami ang nagtitinginan. May hindi mapakali. Mayroon naming nagprapraning-praningan.
Nakakasilaw ang liwanag na padalos-dalos na tumatama sa ibabaw ng mesa at sa mga sulok ng kisame. Sa gawing kanan ay ang mga higanteng bintana na nakukulayan ng mga luntiang dahon ng mga punong matatanaw sa labas.
Ang mga tao, nakaupo, umuupo, iba’y tumatayo. Ang kanilang mga mukha ay guhit ng isang larawang punung-puno ng anino at tila mabigat ang mga dala. Ang iba ay nakatuon sa kawalan, nakatunganga, blanko, at tila ba nasa ibang oras at hinigop ang kanilang pag-iisip ng isang namatay na araw sa kalawakan. Ang ilan naman ay nagpapakahenyo at na-eenganyo sa paulit-ulit na pagbasa, pagsambit sa isip, at pagtungo sa pagpayag nilang lamunin ng impormasyon ang kanilang buhay.
Uupo ako sa may dulo kung saan lamok at langaw lang ang nais umokupa ng nasabing espasyo.
“Bakit nga ba ayaw ko sa maraming tao? Hindi naman nila alam ang pangalan ko? Baka sila mag-ingay?"
Baka ang sabik ko ay biglang mamatay, ‘di magtagal ay lilipat din ng lugar kung saan walang lamay o makipagharapan sa isang mayumi, at mag-isip ng madumi.
Kalimutan muna ang lahat at may haharapin pang kinatatakutang mahabang pagsusulit na palapit.
Kaya pumunta ako sa dulo, hawak-hawak ang isang elepanteng libro. Ang nilalaman ay hindi ko maitanim sa aking ulo.
Monday, September 7, 2009
What is the difference between Tagalog and Filipino?
Sunday, September 6, 2009
Sinagtala

Monday, August 24, 2009
Wala ng mas gaganda rito





