(basahin muna ang part 1)
Inalis ko ang upuan sa pagkakabit nito sa mesa. Pinili ko ang pang-isahang mesa ngunit konektado sa lima pang mesa sa tabi nito. Ang mesa na may tatlong harang para sa gagamit. Isa sa kaliwa, isa sa kanan at isa sa harapan. Ginawa ito para hindi masayang ang oras sa pakikipagtinginan sa taong nasa harapan.
Kinabig ko pa ang upuan. Naglabas ang sahig ng isang iyak na para bang kinahig ng matalas na paa ng upuan ang tiyan nito. Tumingin ako sa paligid. Walang tumingin maliban sa babaing nakaupo sa gitna na nangongolekta ng ID para sa mga taong nananabik na pumapasok sa espesyal na seksyon ng silid-aklatan.
Baka ilusyon lang ang mga ibang tao at sa totoo’y kami lamang dalawa ang tao sa layb.
“Kalokohan.”
Umupo na ako. Nilapag ko ang dalang libro at bag, pati na rin ang pabigat sa aking dibdib, bumuntong-hinga...mabigat pa rin.
Binuksan ko ang papel na nakabalunbon sa isang matigas papel na may plastic na ‘di hamak na mas malaki sa isang normal na kwaderno. Dinampi ko ng marahan ang mga pahina, naramdaman ko ang mga maliliit na aligasgas ng mga letra at salita na masusing nakaimprenta rito. Tiningnan, binasa, sinipat ang mga letra, salita at pangungusap. Nilagay ko ang dalawang hintuturo sa gilid ng aking noo upang sumuot at maitatak ang aking mga binabasa sa aking utak. Pumikit pa ko upang umikot-ikot sa aking ulo ang mga tinatandaan. Sumasabay na rin ang mga labi ko na para bang bumabanggit ng orasyon o kulam para sa isang kaaway.
Nang bigla kong maisipan na gumawi ng tingin sa katabi kong mesa sa kaliwa. May nakita akong libro na para bang naiwan o iniwan ng may-ari .
Kinuha ko ang libro...may mahiwagang halimuyak na biglang nahinga ko. Ako ay napangiti...babae ang may-ari ng librong ito.
Comments