Nakakabingi...
pagaspas ng mabibilis na pakpak ng mga bubuyog
ang tusong sitsit ng ahas
ang tagaktak ng ulan sa yerong nabubulok kasama na ang dagundong ng kulog
paghampas ng matatangal na yero sa kahoy
ang unti-unting pagluwag ng pako sa alulod
Napakaingay...
huni ng gamit na bentilador
ang paglusot ng hangin sa mga bakal nitong takip takip na tadtad ng malagubat na alikabok
ang papalit-palit na tampisaw ng telebisyon at ang pagod na pitik
kaway ng mga dahon na sumasabay sa hatak ng hangin
ang garalgal ng jeepney at tricycle sa malutong na lubak ng mga daan
Ang ingay ng higanteng eroplano sa taas na panandaliang nagiging tunog ng blankong isip ng mga tupang nakamasid sa espasyo ng kamalayan
Ang sigaw ng mga kababayang umaanod na lang sa hirap ng buhay
Ang tibok ng mga puso na pilit na lumalaban sa hinagpis ng init ng dusa
Maingay ang utak ko.
sa gitna nito, ikaw ang balanse sa ingay ng mundo
ikaw ang boses ang aking pag-idlip
ikaw ang kapayapaan na bumubulong
ikaw na nawala na
ngunit lumulutang-lutang sa paligid
ang walang kamatayang pag-ibig
lumiliit sa pagkabingi
Comments