Nilapit ko ang libro sa aking humahabang ilong. Ginalaw ko ang aking leeg, paikot na pakanan, paikot na pakaliwa habang hawak ang libro sa kaliwang kamay, sinilip ang ilalim ng mga mesa sa tabi, baka nagtatago ang may-ari.
Tiningnan ko ang libro. Nakabalot sa isang espesyal na kulay, lila. Natibo ako ng mga maliliit at malalambot na balahibo na tekstura ng balot. Imbis na makasugat ito ay nagbibigay kiliti sa aking mga daliring pilit kumakapit.
Huminga ulit, ngayon ay malalim. Ang kanyang halimuyak...ay parang isang nagtatagong hardin sa likod ng isang mansyon, mabigat ang hangin, maaamoy ang simoy ng mga nagkalat na bulaklak, ang maligamgam na init ng iyak ng umaga, ang pagaspas ng mga tangkay ng puno habang sumasagi ang malambot na hangin, ang mga damong tila kumakalabit sa paa at ang hamog na dahang-dahang kinukulayan ang kapaligiran.
“Sino kaya may-ari nito? At sinong tao ang gagamit ng cover na ganito?”
Binuksan ko ang libro, ang unang pahina...libro ng Anatomiya. May nakasulat na “A.C.” sa ibabang bahagi ng unang pahina, bandang kanan.
Binalik ko ang libro dahil para bang nagdilim at nagkaron ng maitim na ulap sa kisame ng silid-aklatan. Umulan ng malakas. Tinamaan ako ng kidlat.
“May pagsusulit pa ko, ano ba tong ginagawa ko?!”
Ibinalik uli ang itim ng aking mga mata sa sariling kong libro. Ipinatong ang mga braso sa mesa at sumalubong ang mga kilay.
Hindi naglaon, naramdaman kong may nakatingin sa akin, sa may gawing kanan, lumingon ako at nakita ko ang kaklase kong si Yam. Tinungo niya ang kanyang ulo na para bang sumasang-ayon sa pagpapakitang gilas ko sa aking salbaheng amo na libro.
“Baka nakita niya kong inaamoy-amoy ko yung wirdong libro.”
Binigyang-pansin ko uli ang librong tangan ng magulo kong isip. Nang maisip kong humiwalay sa ulirat at palitan ang mga pahina sa aking paningin, nilingon ko uli si Yam. Ang ulo, nakapatong sa braso at ang kanyang braso nakaladlad sa mesa. Nakasalumpak ang kanyang katawan sa lamesa. Sinasamba niya ang Diyosa ng Kaantukan.
Kinuha ko uli ang lilang libro at napansin kong may punit na papel na nakasingit na maaaring magsilbing marka sa isang pahina na di pa natatapos na basahin. Binuklat ko ang libro sa marka ng papel na punit.
Ang punit na papel ay tila may tulang nakasulat, at ang pahinang pinagsingitan ng nasabing papel...
...ilustrasyon ng ari ng babae at lalaki...
Comments