Friday, June 19, 2009

Atim


Isang pangarap na animo’y isang matayog na bituin
Kumikislap na mag-isa sa isang tanawing may isang libong araw
Kagustuhan ko mang tumitig at maabot ang langit
Hindi ko maaaninag at animo’y nabubulag

Naluluha at natutunaw sa pagpipilit na lumaya
Sa kaputikang dala ng aking lahi
Gusto kong alpasan ang mga karayom na nakaukit sa aking katawan
Kalagan ang mga kadenang nagpapahirap sa bawat yapak

Tanggalin ang koronang nagpapayuko sa bawat pagtingin
Ang kapang sumasapaw sa lahat ng aking galaw
Palayain ang sarili sa kawalan
Tumakbo sa daang walang hangganan

Akyatin ang matarik na talampas
At sa pinakahuling sandali ng aking pagtalon sa bituin
Ito pala’y lubog sa karagatan na pula
Kumukulo, umuusok at walang hanggan

Ako’y nalulunod sa sariling kanaisan
Pinapatay ang katawan
At sa sandali ng pagsagap ng hininga
Isang kaparasuhang tangan

Hindi alam ang gagawin
Languyin na lamang
Baka may lupa sa walang hanggan
Ngunit sa bawat pagsagwan ng aking katawan

Tila may balyenang dala sa likod
Ang balat ay gawa sa rehas ng impyerno
Pareho ng pupuntahan ngunit pinapatay ako sa bawat saglit
Pinupugutan ng hininga sa bawat sandali

Pahingi ng medisina

2 comments:

Ching said...

hehehe ang lalim ng mga tagalog pero ang naintindihan ko nagtitiis sa isang malalang sakit.. pilit gustong paglabanan ang buhay...

nice poem....

ching

screamkeeper said...

salamat... :)