Kumikislap na mag-isa sa isang tanawing may isang libong araw
Kagustuhan ko mang tumitig at maabot ang langit
Hindi ko maaaninag at animo’y nabubulag
Naluluha at natutunaw sa pagpipilit na lumaya
Sa kaputikang dala ng aking lahi
Gusto kong alpasan ang mga karayom na nakaukit sa aking katawan
Kalagan ang mga kadenang nagpapahirap sa bawat yapak
Tanggalin ang koronang nagpapayuko sa bawat pagtingin
Ang kapang sumasapaw sa lahat ng aking galaw
Palayain ang sarili sa kawalan
Tumakbo sa daang walang hangganan
Akyatin ang matarik na talampas
At sa pinakahuling sandali ng aking pagtalon sa bituin
Ito pala’y lubog sa karagatan na pula
Kumukulo, umuusok at walang hanggan
Ako’y nalulunod sa sariling kanaisan
Pinapatay ang katawan
At sa sandali ng pagsagap ng hininga
Isang kaparasuhang tangan
Hindi alam ang gagawin
Languyin na lamang
Baka may lupa sa walang hanggan
Ngunit sa bawat pagsagwan ng aking katawan
Tila may balyenang dala sa likod
Ang balat ay gawa sa rehas ng impyerno
Pareho ng pupuntahan ngunit pinapatay ako sa bawat saglit
Pinupugutan ng hininga sa bawat sandali
Pahingi ng medisina
Comments
nice poem....
ching